Kalidad ng Edukasyon sa Pilipinas
halaw sa Abante:
Tungkol sa Edukasyon
Taon na ng eleksyon, kaya lahat ng mga nangangampanyang kandidato, mula sa pagiging pangulo hanggang sa pagiging kagawad ay nagpapakawala na ng kung anu-anong mga pangako. Subalit mabibilang sa daliri ng isang kamay ang may alinsunod na programang malawakan at makabuluhan. Isa rito ay si Edu Manzano, kandidatong bise presidente ng Lakas-Kampi-CMD.
Ayon kay Edu, ang pag-angat ng kalidad ng edukasyon ay susi sa pag-unlad ng bayan at pag-ibayo ng ating kakayahang makipagtagisan ng galing sa mga mas mauunlad na bansa.
Sang-ayon ako rito dahil malayo pa ang ating tatahakin kung kalidad ng edukasyon ng ibang bansa ang magiging sukatan.
Ayon sa 2007 Mid-Year Edition ng Academic Ranking of World Universities sa Southeast Asia, ang University of the Philippines ay no.17 lang sa Top 20 universities in Southeast Asia. Ang number 1 and 2 ay nasa Singapore (National University of Singapore at Nanyang Technological University) at ang pangatlo hanggang panlima ay matatagpuan sa Thailand.
Ang listahan na ito ay base sa web presence o dami ng papeles hinggil sa siyensya na nailabas ng bawat unibersidad sa Internet. Ngunit maaaring hindi lang ito ang batayan dahil ang National University of Singapore at Nanyang Technological University ay nakalista rin sa Asiaweek’s World Class Universities. Ayon naman sa US News and World Report 2009 Top 30 Asian Universities, ang National University of Singapore ay pang-apat.
Ayon kay Edu, isang paraan upang maiangat natin ang kalidad ng edukasyon, bagama’t binawasan ang budget ng Department of Education sa 2010, ay ibuhos ito sa sweldo ng mga guro upang ganahang magturo, at sa mga programang mag-uudyok sa mga estudyante upang maging masigasig mag-aral.
Karugtong nito, kinakampanya rin ni Edu na bigyan ng pinansyal na tulong ang ordinaryong estudyante mula sa mahihirap na pamilya kahit na ang grado nila ay hindi kataas-taasan. Ayon kay Edu, sa pagbibisita niya sa mga lalawigan, nabatid niya na napakaraming estudyante ang tumitigil mag-aral sa lahat ng antas dahil sa kakulangan sa pera. Ang tulong na ito ay sa pamamagitan ng subsidy o allowance. “Sa isang daang Grade 1 na estudyante, 52 porsyento ang humihinto bago pa makatungtong ng fourth year high school,” ani Edu.
“Sana maipatupad ang tulong pinansyal na ito kahit sa elementary o high school levels man lang, kundi kaya hanggang kolehiyo,” dagdag niya.
‘Yan ang tinatawag na mga malinaw na patakaran hinggil sa edukasyon, hindi lang pa-slogan-slogan tulad ng ginagawa ng ibang kandidato. Kung maisasagawa ang tatlong ‘yan: pagtaas ng sweldo ng titser upang mag-ibayongmagturo; kakaibang pag-engganyo sa mga estudyante upang maging masigasig mag-aral; at tulong pinansyal sa ordinaryong estudyante para makatapos mag-aral, sa wari ko, aangat ng husto ang kalidad ng ating edukasyon.
Mahalaga ito dahil ayon sa National Statistics Office, ang projected population natin sa 2010 ay mula 93,506,600 hanggang 94,349,600. Noong nakaraang taon, 21 milyon ang kabuuang dami ng estudyante sa public at private schools. Sila ang susunod na henerasyon at sa kanila manggagaling ang mga bagong liderato ng ating bansa. Kailangang turuan sila ng tamang asal at bigyan ng lahat ng pagkakataong mahasa ang kanilang talino dahil nasa kamay nila ang takbo ng ating kinabukasan.
Ano opinyon nyo dito?