Illegal Recruitment...sino bang dapat sisihin???
Nagpipigil sa pagiyak si JENG habang ikinukwento nya ang nangyari sa kanya. Nagpupuyos ang dibdib ko sa galit at sama ng loob kasi nga, siya ay isa na naman sa maraming naging biktima ng ILLEGAL RECRUITMENT.
6:20AM kahapon nga nakilala ko si JENG, isang kababayan na kadarating lang ng Qatar (First Timer). Katamtaman ang taas, balingkinitan, at medyo namumutla. Unang kita ko pa lang sa kanya, nasabi ko sa sarili ko na di nya kakayanin ang trabaho.
10:00AM nang binisita ko sya, nahihilo at masakit ang ulo. Nang tinanong ko kung kumain ba sya bago pumasok, dun nya nasabi na di pa sya kumakain ng kanin since umalis sila ng Pinas.
At heto ang kanyang kwento:
Si Jeng ay nag-apply ng trabaho sa isang recruitment agency sa Malate, Maynila bilang HOTEL EMPLOYEE/JANITRESS. Katulad ng dati, kailangang may Placement Fee na siguradong malaki. walang kopya ng kontrato, walang OEC, at sya pa ang nagbayad ng TERMINAL FEE worth Php750.00 na ang AGENCY dapat ang magbayad. Sa airport na rin nya nakuha ang passport at plane ticket at walang explanation o tagubilin man lang ng AGENCY kung ano ang susunod na mangyayari.
Lumapag ang eroplanong sinasakyan nya at ng isa pang Pinay sa Doha International Aiport noong Sabado ng umaga. 9AM, nasa Arrival Lounge na sila, nag-aantay ng susundo. Ang baong hopya ang nagtawid gutom sa kanilang dalawa sa loob ng maghapong panghihintay.
7PM na nang may dumating para dalhin sila sa kanilang accommodation. Sa sobrang pagod, nakatulog na sila ng hindi man lang naghahapunan.
Kinabukasan, ginising sila ng supervisor at sinabing papasok na sila sa trabaho. Nang siya ay makiusapo na kung pwedeng bigyan sila ng pagkakataong makapagpahinga at makapag-ipon ng lakas, sinagot sila ng : "Kung gusto ninyong sumuweldo, magtrabaho na kayo".
Napilitang pumasok si JENG at laking gulat nya dahil hindi sya sa hotel dinala...kundi sa isang eskwelahan. Dito nagkrus ang aming landas.
Dahil na rin sa pag-aalala ko, tinanong ko yung ibang pinay na nagtatrabaho sa eskwelahan bilang cleaner. At dito ko nalaman na:
1. QAR800 ang sweldo nila, libre ang akomodasyon pero di ang pagkain.
2. pag bagong dating ka, bibigyan ka ng QAR100 pambili mo ng pagkain sa loob ng isang buwan at ibabawas di sa sweldo mo.
3. Laging delayed ang pasweldo.
Sa isip-isip ko, bakit nga ba may mga taong nabubuhay o kumikita sa panggagantso o panlilinlang ng kapwa.
Di na siguro mawawala ang ILLEGAL RECRUITER. Kasi nga, hangga't may nagnanais guminhawa ang buhay at ng kanyang pamilya at ang PAG-AABROAD ang naiiisip na tanging paraan, may mga NILALANG na SASAMANTALAHIN ang pagkakataon.
Sino nga ba ang dapat sisihin? GOBYERNO? ANG MAMAMAYAN?
Sino ba ang tutulong? Ang EMBAHADA (sangay ng Gobyerno)? ang kapwa OFW?