Gov’t pinapanagot sa OFW na napagkamalang si Ivler...

Hinirit ng Migrante, Alyansa ng mga overseas Filipino workers ang pagbabayad ng kaukulang danyos sa idineport na OFW sa Qatar na kapangalan ng wanted sa kasong murder na si Jason Aguilar Ivler.
“OFW Jason Aguilar must be sent back to his place of work after clearing his name and concerned agencies must ensure that he is not blacklisted in entering Doha and in any GCC countries where he wish to work in the future,” pahayag ni John Leonard Monterona, Migrante-Middle East regional coordinator.
Idinagdag pa ng lider ng mga OFWs na kailangan ng publiko lalo na ni Aguilar ang paliwanag mula sa gobyerno kaugnay sa sinapit nito at nangangamba na posibleng maulit ang insidente dahil sa kawalan ng proteksyon mula sa gobyerno.
Ang kaso ng OFW na si Aguilar ay isang malinaw na pagpapakita umano ng pagkainutil ng gobyerno.
Matatandaang si Aguilar, isang welder at nakabase sa Doha, Qatar ay ipina-deport ng mga awtoridad at dumating sa Pilipinas nitong Huwebes ng umaga lulan ng Qatar Airways flight QR-648.
Sinamahan si Aguilar ng Interpol agents na nag-turnover dito sa immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan nakaantabay ang ilang kagawad ng Quezon City Police.
“Our poor fellow OFW Jason Aguilar has been treated like a convicted criminal, where in fact he is as innocent as a new born child; this mistaken identity case is clearly a result of government slackness,” dagdag pa ni Monterona.
Ipinaliwanag pa ni Monterona na ang pagkakakilanlan ng isang tao ay madali nang matukoy kaya’t dapat ay maagang nalinis ang pangalan ng OFW na si Aguilar, dahil hindi ito ang Jason Aguilar Ivler na suspek sa pamamaslang at hindi na ito kinailangan pang ipa-deport.