City official ng Maynila, binastos sa NAIA
Ito ang totoong customer service...
Nagsumbong sa Human Rights Commission si Manila Secretary to the Vice Mayor Bernardito Ang, matapos na dumanas ng pambabastos at pang-iinsulto mula sa empleyado ng Cathay Pacific na nakatalaga sa check-in counter nito sa NAIA Terminal 1 noong Agosto 21 kung saan papunta siya ng Hongkong kasama ang kanyang kaibigan na si Wilfredo Sistorias.
Nabatid na alas-2:30 pa lamang ng madaling-araw nang dumating sa NAIA Terminal 1 si Ang at nang magbukas ang counter dakong alas-kuwatro ng madaling-araw ay agad niyang pinakiusap na makapuwesto siya malapit sa pintuan ng eroplano at madaling makapunta sa lababo bunga na rin ng kanyang kapansanan.
Si Ang ay may kapansanan dahil ipinanganak itong may polio at dumanas ng stroke.
Gayunman, sinabihan siya ng isang nakilalang ‘Pearl’, empleyado ng Cathay Pacific na hindi nila maibibigay ang hiling ni Ang at maghintay na lamang.
Matapos ang isang oras na paghihintay, ibinigay kina Ang at Sistorias ang kanilang boarding pass at laking gulat ni Ang nang sabihin ni ‘Pearl’ na hindi umano siya puwedeng pahiramin ng wheelchair maging paggamit ng kanyang personal na wheelchair na indikasyon na kailangan nitong lakarin ang boarding gate.
Ayon kay Ang, hiniling niyang makausap ang station manager subalit sinabi sa kanya ng mga empleyado na ayaw nitong bumaba.
Ayon kay Ang, co-founder ng Philippine Councilors’ League, 5-termer na Manila third district Councilor at may akda ng Manila’s tax code, pagdating niya ng Hongkong ay nakahanda na ang wheelchair assistance niya na taliwas naman sa trato ng mga nasa NAIA Terminal 1.
Idinagdag pa ni Ang na ininsulto, pinahiya at nagkaroon ng diskriminasyon sa kanyang pagkatao na paglabag sa Magna Carta para sa mga may kapansanan.