MATAPANG NA PINAY SA KUWAIT
Gusto ko lang i-share itong news na nabasa ko sa abante tonite regarding sa katapangan ng filipina domestic helper sa kuwait na talagang humanga ako, sana nga ganito lahat ng mga filipinang OFW para hindi na sila makaranas ng kahayupan sa mga mapansamantalang ibang lahi.
Saludo ako sa lahat ng Filipina OFW sa buong mundo...mabuhay po kayong lahat!
STORY:
Kalbaryo ang dinanas ng isang Pinay domestic helper sa Kuwait na muntik maging sex slave matapos dukutin ng isang taxi driver na Bangladeshi pero hindi nawalan ng loob ang biktima hanggang sa makatakas at sinaklolohan ng dalawang kababayang mag-asawa.
Sa ulat ng Arab Times Kuwait, nakilala ang astiging Pinay DH na si Mary Lovely Joy Donaire, 30, tubong Davao at nagtrabaho bilang household service worker sa nasabing bansa.
Makailang ulit na pinagtangkaan gahasain ng iba't ibang dayuhan ang biktima subalit buong tapang na lumaban ito at ginamit ang kanyang nalalaman sa martial arts para ipagtanggol ang sarili. "I fought back. I mustered all the strength that I had to defend my dignity against my captors," ani Donaire sa ulat ng naturang pahayagan.
Nabatid na umalis sa poder ng kanyang amo at nakitira si Donaire sa kanyang tiyahin sa Quirain. Noong Enero 5, 2009, nagpasya itong magtungo sa Philippine Embassy upang humingi ng tulong.
Habang patungo sa embassy, dinukot si Donaire ng isang Bangladeshi na taxi driver. Ipinanawagan naman ng kanyang pinsan na si Madelyn Lumba sa The Filipino Channel ang pagkawala ni Donaire.
"But unfortunately, the Bangladeshi brought me to Kheitan and he locked me up in a flat," ayon pa kay Donaire. Tinangka umano siyang halayin ng Bangladeshi pero nagawa niya itong sagupain at igapos sa loob ng banyo.
"Another guy came into the room again, I guess he's Egyptian, he also tried to rape me but I fought back and tied him up too," dagdag pa ni Donaire.
Makalipas ang dalawang linggo, dalawang lalaking Egyptian naman umano ang muling nagtangkang manghalay sa kanya. Katulad ng mga nauna, nanlaban si Donaire at nagawa niyang maigapos ang mga ito at ikinulong din sa banyo.
Noong Pebrero 11, 2009, nakabuo ng plano si Donaire para makatakas dahil isa pang lalaking Bangladeshi ang naatasan na magrasyon ng pagkain sa kanya. "The guy bringing the food entered the room and he also attempted to rape me. I fought back but he had a knife. I was able to grab the knife and I hit him. When he fell on the floor, I went straight to the elevator and ran out of the building," kuwento ni Donaire.
Nakatakas si Donaire at isang mag-asawang Filipino ang nagmagandang-loob na kumalinga sa kanya. "Marlon and his wife Maria took care of me. Marlon works at the Ministry of Defense and he said that he's the nephew of Philippine Consul Vicente Cabe in Abu Dhabi," ani Donaire.
Pero hindi agad naihatid sa embassy si Donaire dahil napagpasyahan ng mag-asawa na pagalingin muna ang mga pinsala niya at makabawi sa dinanas na trauma.
Isang linggong nanatili sa poder ng mag-asawa si Donaire pero noong nakaraang linggo, napanood niya sa The Filipino Channel na pinaghahanap siya ng Philippine Embassy at ng mga miyembro ng Filipino community kaya hiniling niyang madala sa embahada.
Nitong Linggo (Pebrero 22) lamang naihatid si Donaire sa embassy pero hindi nagpakita doon sina Marlon at Maria. Ayaw umano masangkot ng mag-asawa sa kanyang kaso dahil bago pa lamang sila sa Kuwait.