Kabayang DH tumalon mula sa 3rd floor para takasan ang pang-aabuso
Kanina pong umaga pumunta kami ni Mommy sa ospital. Binisita namin ang isang kabayan nating Pinay na kasalukuyang nandoon. Naibalita lang po sa amin yun nung isang linggo. Isang Pinay daw po ang tumalon mula po sa 3rd floor ng isang flat para takasan ang pangaapi at pagpapahirap ng kanyang amo. Muntik na pong nawala sa isip ko ang kasong ito kundi lang ibinalita sa akin kahapon na sabi daw ng mga Narses dun na wala daw bumibisita galing sa ating POLO/OWWA o sa Embassy.
Kanina nag-aalmusal kami ni Mommy pagkahatid sa anak namin sa school, naisipan kong puntahan namin si Kabayan at alamin kung totoo nga ang kaso niya at ano na ang kalagayan niya. Kasi kanina ring umaga nabasa ko sa GMANews.TV ang kaso nung DH na umaming peke ang report niya na inabuso siya.
Medyo nahirapan kami hanapin si Kabayan. Una mali ang room number na ibinigay sa amin. Pangalawa, first name lang nung una ang alam nung contact namin. Pero after 30 minutes nalaman din namin ang room number.
Nakita namin si Kabayan. Unang tanong niya kung sino kami at kung kami ba ay taga Embassy o taga POLO/OWWA. Sabi namin bumibisita lang. At nagkwento na si Kabayan ng sinapit niya.
Mula nung June ay inaabuso na siya ng amo niyang lalaki. Hindi naman siya biktima ng rape pero nandun yung hipuan siya at gumawa ng kalaswaan sa harap niya habang tulog pa ang mga anak at asawa. Nandun din ang pasukin siya sa kwarto at hipuan siya. Kinukulong pa siya sa bahay at nung panahon ng pangilin ay minsan lang sa isang araw siya pakainin. Naglakas loob siya na sabihin sa amo niyang babae ang ginagawa ng asawa nito sa kanya. Biglang nagsisigaw ang babae, sinabunutan siya at iniumpog ang ulo niya sa pader at pinagtulungan siyang bugbugin ng mag-asawa. Dun na siya naglakas loob humingi ng tulong sa mga kapit-bahay niya na ibang lahi.
Sinabi pa ng mag-asawa na di na siya pasasahurin at gigilitan siya "like a chicken neck". . At nung sabihin nga sa kanya yun ay dun na siya nagtangkang tumakas. Itinapon niya muna ang kanyang mga gamit at hawak ang rosaryo binigkas niya ang "Lord kayo na po ang bahala!" sabay talon. Nung lumapag siya sa semento, alam niya may bali siya sa hita o sa tadyang. Pero kailangan niya makalayo sa building. Hila ang mga gamit niya narating niya ang kanto at pilit tumawag ng mga sasakyan. Buti na lang may mga kabataang katutubo ang nakakita sa kanya at tumawag ng pulis. Ang pulis ang tumawag ng ambulansya.
Nung tignan namin medyo maga ang panga at pisngi ni kabayan. Marami pa daw pasa sa katawan. Pero ayos naman ang pagsasalita niya. May bantay siyang pulis 24 oras na rerelyebo kada 8 oras. May dumating daw na taga-Embassy nung nasa Emergency pa siya. Pero dahil nga daw sa lito pa siya nun hindi niya naikwento lahat at di na niya matandaan ang sinabi sa kanya kundi ang pangalan at landline nung tao. Tinatawagan niya ang landline ay wala namang sagot. Yung nagbalita sa amin nito ay mula pa nung Huwebes tumatawag sa Embassy at POLO pero walang sumasagot o automated answer lang. Pumunta kami POLO pero wala yung Welfare Officer. Kailangan kasi ni kabayan ng update at tulong kung ano ba ang gagawin. Di niya alam kung nakasuhan o nakulong ba ang amo niya. Maaring mali ako pero sa loob ng isang linggong walang update o follow-up ke Kabayan ay kulang ang tulong na ginagawa ng Embassy at POLO/OWWA.
Mamaya ay ooperahan si Kabayan. Ipagdasal po natin siya. Makakalakad naman daw po ulit siya pero di na puede gumawa ng mabibigat na trabaho o magbuhat ng mabigat.
Sana matutukan ang kaso ni kabayan. Sa halagang QR730 kada buwan (PHP 8,725.10/month) na sueldo ay ito pa ang sinapit niya dito sa Qatar. Magpapasko pa naman.