Dalamhati ng Isang Musmus
Hindi mo ginusto ‘to. Pero sa sarili mo ay may nangyaring gulo. Walang nakakaalam, walang nakakarinig. Ayaw mong humingi ng tulong dahil alam mong wala ring makakatulong sayo. Isa ito sa mapaklang katotohanan sa buhay. Maaaring ngayon lang ito nangyari, pero alam mong maaari itong mangyari ulit, kahit kalian, kahit saan, kahit kanino.
Alam ba ng mga kamag-aral ko? Hindi siguro, dahil taimtim silang nagsusulat ng mga pangalan nila sa papel nang paulit-ulit. Alam ba ng katabi ko? Hindi siguro, dahil seryosong-seryoso ito sa pagkukulay ng mga ginuhit n’yang bahay, araw, at puno. Alam ba ni Madam? Hindi rin siguro, dahil abala ito sa pagbabantay sa iba mo pang mga kamag-aral. Walang nakakaalam ng kalagayan mo, ng paghihirap mo ngayon.
Hindi mo na kaya ang lahat, ayaw mo nang mag-isip, nais mo nang tapusin ang dusa at pasakit. Hindi mo na alintana kung kutyain ka ng kahit na sino man, tumigil lang ang pagtulo ng mga malalamig na butil ng pawis sa iyong katawan. At naisip mong. . .Ngayon na! Bigla mong inilabas ang sama ng loob. Ang demonyo sa iyong bituka. Ang walanghiyang pagkain na nagpupumiglas sa kaloob-looban mo. Lumipas ang ilang sandali. At doon nakahinga ka nang malalim, nang matiwasay. Tumigil na ang unos, payapa na ang kapaligiran. Ginusto mong ngumiti ngunit may nagbanta sa kasiyahan.
“Ambaho, ano ba ‘yon?!”
Isang kamag-aral ang nangahas na nagsabi ng katotohanan. Hindi mo alam kung sino, pero ninais mo s’yang isumpa. S’ya at ang kanyang malaking bunganga. Gusto mo s’yang pagbayarin sa ginawa n’yang kasalanan ngunit meron na namang humirit.
“May mabaho nga!!”
Huh?? Totoo ba ang narinig mo? Hindi lang isa ang traydor sa mga kaklase mo. May isa pa, at isa pa, at isa pa…dumarami sila. Hindi mo na alam ang gagawin mo. Bakit kailangan mangyari ang ganitong trahedya sa isang bata?
“Okay! Stand up, every body. We shall dance and sing!”
Hindi sila pinansin ni teacher, ligtas ka na, pero ano ‘tong gusto n’yang ipagawa? Paano ka tatayo? Paano mo ipagtatapat ang lahat? Umikot ang iyong mga mata, pumihit ang iyong ulo, pero wala sa paningin mo ang nanay mo, o si ate’t kuya, kanino ko hihingi ng saklolo?
Litong-lito ka na nang mapansin mong lahat ng kamag-aral mo ay nakatingin na sa’yo, pati si teacher. Ikaw na lang ang nakaupo. Lahat naghihintay na sa iyong pagtayo, mga matang nakatitig sa iyong mga mata. Tahimik ang buong klase, tibok ng puso mo lang ang tanging naririnig mo. Hindi mo alam kung ano pa meron ang buhay. Ayaw mo na sanang gumalaw, ngunit tinapos ng isang bata ang kalbaryo mo nang basagin n’ya ang katahimikan.
“Ay, teacher, tumae s’ya!!!”
Wala ka na ulit naalala.