Announcement
Kwentong Kapuso: Istorya, litrato, awit, katha ng Pinoy abroad
05/31/2007 | 07:20 PM
Kapusong Pinoy, Baka may maikling kwento ka d’yan, o kaya’y tula, awitin, litrato, at iba pang sariling katha tungkol sa iyong karanasan, at baka gusto mo itong ibahagi sa pamamagitan ng GMANews.TV.
Malay natin, baka mapulutan pa ito ng aral ng iba nating Kapuso, o kaya ay magsilbi itong inspirasyon sa kanila. Maganda ‘yon, di ba? ‘Yan ang Serbisyong Totoo! Kaya, heto na ang pagkakataon na magkwento ka.
Na-engganyo kami na magbukas ng espasyong ito para sa mga Kapuso, lalo na doon sa mga nasa ibang bansa, dahil na rin sa mga natatanggap naming unsolicited contributions na talaga namang nakatutuwa, kagaya ng mga kwento ng tagumpay.
Halimbawa na ang makulay na pagtatanghal ng Rhythms of Broadway ng Tanghalang Overseas Pinoy (TOPi) sa Doha, Qatar, o kaya ay ang kwento ng isang mersenaryong Pinoy sa Iraq, at ang pagmumuni-muni ni Willy Liwanag bilang isang OFW sa Pakistan.
Hindi rin namin makalilimutan ang magandang kwento ng buhay ni Erin Grace Begonia, anak ng Filipino immigrants sa America na nagtapos sa US Military Academy sa West Point, New York noong May 26.
Nakarating sa amin ang kwentong ito nang mag-email ang kanyang ama na gusto lamang i-announce ang graduation ni Erin sa West Point, pero matapos ang ilang palitan ng e-mail ay makulay pala ang pinagdaanan n’ya bago pa man makarating sa West Point.
Nariyan din si Romeo Capuno Jr., ang presidente ng Filipino Students Association sa Virginia Tech na sumulat sa amin matapos mapanood ng kanyang kapatid dito sa Pilipinas sa GMA 7 News ang tungkol sa April 16 carnage sa kanyang eskwelahan na may mga nag-aaral na mga Filipino.
Matiyagang sinagot ni Mr. Capuno ang aming mga katanungan tungkol sa kalagayan ng mga Pinoy sa Virginia Tech matapos ang malagim na pangyayari sa universidad na dati’y napakatahimik.
Sa mga darating na araw ay mababasa n’yo naman ang kwento ng buhay ni Mr. Capuno dito sa Pinoy Abroad Features.
Ilang linggo lang ang nakararaan ay inilathala din namin ang kwento ng buhay ni PJ Pascual, ang nag-iisang editor sa O Magazine ni Oprah Winfrey sa New York. Nalaman namin ito dahil sa sulat ng kanyang kapatid na si April, at matapos ang ilang palitan ng e-mail ay nakapanayam namin sa telepono si PJ nang siya’y bumisita sa kanyang pamilya sa Pilipinas noong Abril.
Nandyan din ang mga kwento ni Eman Villanueva sa mga kaganapan sa Hong Kong, ni Eric Lachica tungkol sa pagla-lobby ng mga Filipino-American war veterans sa US Congress para sa equity bill, family reunification bill, at immigration bill na may kinalaman sa kalagayan ng mga beteranong Pinoy sa Amerika.
Syempre, magaganda rin ang mga kwento galing kay Souie Mercado, bureau chief ng Fil-Am Press tungkol sa mga Pinoy sa Texas.
Noong Enero ay nasubaybayan natin ang kwento ng diumano’y panloloko ng mag-asawang si Janice Tayzon del Rosario at Kaye Gravador del Rosario sa maraming Pinoy at foreigners sa Toronto, Canada ng milyun-milyong dolyares.
May nag-email sa amin ng istoryang lumabas sa Toronto Star tungkol sa dubious business ng mag-asawa, at dahil doon ay natunton namin ang pulis colonel na nabiktima rin pala ni Janice dito sa Quezon City bago ito nawala at tumungo pala sa Canada.
Nang i-deport na si Janice at Kaye mula Canada, marami pa kaming natunton na biktima, katulad ni Dr. Dick Dizon at ni Mrs. Delia Tan.
Matiyaga ring nagpadala ng mga kwento si Michael Labreque mula sa Toronto kaya nakabuo kami ng malinaw na balita tungkol sa kasong ito.
Talaga namang nakatataba ng puso na maraming magagandang kwentong dumarating sa amin mula sa iba’t-ibang sulok ng mundo. At unsolicited ang mga ito.
Dito napukaw ang hangarin namin na mapabuti pa ang pagsisilbi sa inyo, mga Kapuso. At dahil sa inyong mga kwento, lalo pang marami ang sama-sama nating mapaglilingkuran.
Para sa bagong section na ito sa Pinoy Abroad, siguro, magandang magsimula sa pagbabalik-tanaw sa karanasan mo tungkol sa pagbubukas ng eskwela ngayong buwan ng Hunyo, o kaya ay ang kaisipan mo tungkol sa darating na Araw ng Kalayaan sa June 12. Pwede rin naman ang mga kwento ng makulay na summer vacation n’yo.
Ah... basta, ikaw na ang bahalang dumiskarte kung ano ang gusto mong ibahagi.
Saang dako ka man sa mundo, anumang tagumpay ng inyong buhay, halina at magkwento ka. Now na!
Maaring ito ay nakasulat sa Tagalog, English, Tag-lish, Cebuano, o Ilonggo.
Ipadala by e-mail ang iyong kontribusyon sa [email protected].
Ilakip lamang ang tunay na pangalan, tirahan sa Pilipinas at sa abroad, contact numbers at e-mail address. Maari naman na hindi ilathala ang mga pribadong impormasyong ito, kung hihilingin mo.
Salamat po, Kapuso!