Ang Tulay ng Binalbalongan
Sa isang liblib na bayan sa bicol, lubhang mabagal ang takbo ng buhay -- maalikabok ang mga daan... mahalumigmig ang mga araw... mahaba ang mga gabi. Sa isang taong nakatira roon, di pangkaraniwan ang pakiwari na ang buhay dito ay walang-kabuluhan at walang-patunguhan. Di naman katakataka na gagawin ang lahat ng mga tao roon para putulin ang nakakayamot na kabuhayan paminsan- minsan... ... bagamat ito'y nagiging mas madalas yata kaysa sa kinakailangan...
... at sa kaluwagan ng isip ni Padre Prokundato, ang pare- parokya sa bayan ng San Manuel. Napansin niya na ang pinaka- pangkaraniwang ikinukumpisal na kasalanan ng mga kalalakihan doon ay ang pakikiapid o pangangaliwa (adulteri ho yata yun sa ingles?)... Araw-araw, linggo-linggo, yun na lamang ang palaging naririnig ni Padre Prokundato. Nakakatorete na talaga. Naisip- isip niya ... tama na... sobra na... palitan na.
Isang linggo, inakyat ni Padre Prokundato ang pulpito ng simbahan. Nagbigay siya ng isang malawig at nagngingitngit na sermon kung saan kanyang hinimok ang kalalakihan ng San Manuel na baguhin ang kanilang libangan... ehe kabuhayan pala, upang sila'y pagpalain muli... Ngunit hindi rin bulag ang pari sa katotohanang ang tao ay tao at may mga pagkakataon na hindi maiiwasan ang tukso. Dahil dito at dahil naman talagang sobra nang nakakabugnot pakinggan sa kumpisalan na puro pakikiapid na lamang ang ipinapasiwalat ng mga tao, siya ay nagbigay ng isang payo.
"Uli-uli, kapag kayo ay mangungumpisal sa akin ng pakikiapid, sabihin nyo na lang sa akin, Padre ako po ay nahulog sa tulay ng Binalbalongan at maiintindihan ko na ang ibig niyong sabihin," wika ni Padre Prokundato.
At iyon na nga ang nangyari.
Araw-araw, linggo-linggo, patuloy na marami ang nahuhulog sa tulay ng Binalbalongan... Hanggang sa madestino si Padre Prokundato sa ibang bayan at siya ay palitan ni Padre Paturkuato.
Sa unang buwan ni Padre Paturkuato sa bayan ng San Manuel, siya ay nabahala sa ikinukumpisal ng mga tao roon. Lubhang masyado yatang marami ang nahuhulog sa tulay. Dahil dito, kanyang ipinatawag ang inhinyero ng San Manuel na si Engineer Dimakabilang.
"Engineer, mabuti yata ay inspeksyonin nyo ang tulay ng Binalbalongan" pahayag ng pari.
"Bakit po Father? May problema ho ba?" nalilitong tanong ng engineer.
"Aba eh, mukhang napakarami yata ang nahuhulog sa tulay na iyon" wika ni Father. Ngumingisi na lamang si engineer. Naalala nya kasi ang sermon ng dating pari.
"Wala hong problema doon Father," patawang sagot ni engineer.
Padre Paturkuato: "Anong wala? At tatawa-tawa ka pa! Ikaw din engineer. Noong isang linggo lamang, sampung beses nahulog ang misis mo." ..