Heto ang KAPAYAPAAN na alam natin, noong wala pang KAUNLARAN...(Here's the PEACE we knew then, before there was PROGRESS) Part 1

Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan;
Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, kung meron, gumamela lang;
10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon;
Merong free ang mga patpat ng ice drop: buko man o munggo.
Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro/a:
Di binibili ang tubig, pwedeng maki-inom sa 'di mo kakilala.
Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana;
Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal's office
o kaya malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams;
Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak...
Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy's noon.
Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili:
- trak-trakan (gawa sa Rosebowl ang katawan at Darigold na maliit ang mga gulong,
- "sketeng" (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno;
- patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan);
- sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp.
'Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi nga LARO lang iyon.
Maraming usong laro at maraming kasali: laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata,
pera namin ay kaha ng Philip Morris, Malboro, Champion (kahon-kahon yon!)
May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli tutubi,
nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo;
Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas - suot mo pa rin;
Namumugalgal ang pundiya ng kansolsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa.
Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology...
di ba minsan nangarap ka na rin... mas masaya noong araw!
Sana pwedeng maibalik...