Manika-Jamila (isang maikling nobela)

Chapter 1 - ISTANTE
You're Unfair, I hate You
Ito ang mga letrang naka print sa damit ng bawat stuffed toy na nakahilera sa harap ko habang ako naman ay nakaupo sa istante kasama ng mga manika sa Dolls Section.
Ilang buwan na din mula nang ako ay inilagay dito ngunit wala pa ring bumibili sa akin, samantalang ang stuffed toy na nasa harapan ko ay talagang mabenta, siguro nga mas maganda ang stuffed toy kaysa sa manika.
Pansin ko lang, mabili 'yong You're Unfair kasi madaming stock, palit ng palit kada araw.
Umaga na naman at may bumili na naman sa kanya. Kinindatan niya ako habang bitbit siya papuntang counter, ngiti niya'y may pangungutya na parang nagsasabing bhelat nanjan ka pa rin, wala nang bibili sa'yo.
Hindi ko alam ang dahilan kung bakit siya mabenta. Siguro nga dahil manika lang ako at walang alam sa mundo.
Bilang manika, maganda ako syempre, mahaba ang pilik mata ko, bilugan ang mata, kulay buhok ng mais ang buhok ko at nagsasalita kapag pinipindot ang button na nasa dibdib ko, nag-iisa lang ako sa hilera ng manika na nagsasalita, iyong katabi ko ay iba naman ang features n'ya, meron siyang 30 changeable position na halos lahat ng joints nya ay pwedeng paikutin at galawin.
Hayz lumipas na naman ang araw at nagsara na naman ang Toy Store.
Kadiliman
Bukas Linggo, siguradong madaming mamamasyal at sana may bumili na sa akin.