ESSH W. ESSH AND FOOLS ASIA SURVEY FOR PRESIDENCY
Magandang umaga po. Kami po ang pinagsanib na puwersa ng Sssh W. Sssh (SWS) at Fools Asia. Nais lang po naming alamin ang inyong pananaw hinggil sa darating na halalan. Sa pamamagitan po nito ay matutukoy natin ang posibleng magwaging pangulo at pangalawang pangulo na manunungkulan mula 2010 hanggang 2016 (o higit pa, depende sa resulta ng isusulong nilang pagbabago sa Saligang Batas).
Tinitiyak po naming magiging lihim ang inyong mga sagot at tanging ang mga kinatawan lamang ng SWS, Fools Asia, at ng grupong kumumisyon sa survey ang makakabasa nito.
Bilang pagpapahalaga sa tinatawag na transparency, ang pag-aaral na ito ay pinondohan ng Partido Lakas CMD-Kampi o Palaka.
Panuto: Ikulong sa isang trapezoid (hindi bilog, hindi square… trapezoid!) ang titik na kumakatawan sa inyong piniling kasagutan.
1: Aling partido ang susuportahan mo sa darating na halalan?
A: Partido ng administrasyon
B: Partido Lakas CMD-Kampi
C: Partido ni Gloria Macapagal-Arroyo
2: Sa pangkalahatan, anong klaseng pangulo ang nais mong iboto?
A: Nanungkulan bilang Defense Secretary
B: Paboritong pamangkin ni Danding
C: Bar topnotcher
3: Sa pangkalahatan, anong klaseng pangalawang pangulo ang nais mong iboto?
A: Nanungkulan bilang kalihim ng DILG
B: Nagtrabaho upang matiyak ang pagkatalo ni Miriam Defensor-Santiago noong 1992
C: Naging political operator nina Ramos, Estrada, at Arroyo
4: Kung mananalo sina Gilbert Teodoro at Ronaldo Puno, at susumpa silang ipapakulong si Mikey Arroyo sa unang taon ng kanilang panunungkulan, iboboto mo ba sila?
A: Oo.
B: Why not?
C: Of course!
5: Sa mga patalastas ng mga pulitikong tatakbo sa halalang pampanguluhan, alin ang pinakagusto mo?
A: ‘Yong tungkol sa paghahanda sa sakuna o emergency preparedness
B: ‘Yong nagbibigay ng tips tungkol sa bagyo
C: Oo, ‘yun nga!
6: Sa mga patalastas ng mga pulitikong posibleng tumakbo sa pagkapangalawang pangulo, alin ang pinakagusto mo?
A: ‘Yong may bata sa ilalim ng puno kasama ang isang mamang makapal ang make up
B: ‘Yong pulis na may bagong batuta, bagong sapatos, at bagong chapa
C: Both
7: Ayon sa mga naunang survey, sina Noynoy Aquino, Manny Villar, at Joseph Estrada ang Top 3 picks ng mga respondents sa pagkapangulo. Ano ang masasabi mo?
A: Weh?!
B: Kalokohan ‘yan!
C: Bolahin mo ang kuya mong panot!
8: Anong katangian ng kandidato sa pagkapangulo ang ayaw na ayaw mo?
A: ‘Yung dinodoble ang pondo para sa C5 road project
B: ‘Yong na-convict dahil sa pandarambong!
C: ‘Yong dating congressman na isa sa legislative achievements ay ang paghahain ng panukalang batas na naglalayong ideklara as a special non-working holiday ang April 19 ng bawat taon sa lungsod ng Tarlac bilang pagdiriwang ng Tarlac City Day
9: Fertilizer fund scam, NBN ZTE deal, Macapagal Boulevard project, Northrail Project, the Jose Pidal accounts, Le Cirque dinner, Hello Garci controversy. Anu-ano ang mga ito?
A: Malay ko!
B: Absent ako sa school nang ituro ‘yan.
C: Whateverrr!
10: Kung ang bilangan ay kailangang dayain upang sina Gibô at Puno ay papanalunin, papayag ka ba?
A: Anytime!
B: Go! Go! Go! Todo na ‘to mga friends!
C: Sure! Magkano?
—-Hanggang dito na lamang ang mga tanong. Wala nang kasunod.—-
Paalala: Ang sobre ng pasasalamat sa paglahok n’yo sa survey na ito ay inyong matatanggap labinlimang araw matapos maisapubliko sa mga pahayagan, radyo, telebisyon, at Internet ang resulta ng pag-aaral.
Maraming salamat sa inyong oras at laging tandaan, ang inyong ginawa ay para sa ating bayan.
Mabuhay ang Pilipinas!