Ano ang gagawin kapag tinatamad sa trabaho?
Huwag aabsent.
Huwag male-late.
Pagkaupo mo sa iyong lamesa, buksan isa-isa ang drawer at magkalkal. Kunwari ay may hinahanap.
Pagkatapos mong magkalkal, tumayo ka at tunguhin ang mga filing cabinet. Maghanap ka ng ipis. Kung wala kang mahanap, tingnan mo ang iyong incoming & outgoing tray. Kalkalin at maghanap ng mga natira sa iyong mga kinutkot kahapon. Huwag kakainin muli. Labag sa kagandahang asal. Kung naglalaway ka sa mga iyon ay kunin mo ang nagamit mong tissue paper na nailagay mo sa iyong front drawer at ipunas sa laway mo. Pagkatapos ay ilagay muli sa drawer. Maaari mo pang magamit iyon bukas. Malaking katipiran sa iyo.
Kung biglang dumating ang iyong boss, hawakan kaagad ang telepono at magsalita. Kunwari ay
tinatanong ka ng iyong kausap tungkol sa mga dokumento. Sumagot ka ng "Oh! I am sorry but I will bring that to your office immediately." Kumuha kaagad ng kahit anong folder at magpaalam ng maayos at buong giliw sa iyong boss. Lumabas ng nagmamadali.
Pumunta ka sa CR. Magsuklay. Tingnan mabuti ang sarili. Mag-retouch kung babae. Tingnan kung baligtad ang underwear na naisuot at kung lalaki, maghilamos at basain ng konti ang buhok. Magtiris ng mga taghiyawat. Magtagal ng mga limang minuto.
Pagkabalik mo sa iyong opisina, buksan ang computer. Hintaying matapos ang Auto Scan. Marami ring minuto ang magugugol dito. Magbukas ng isang file... Isa pa... at isa pa uli...!!! Pumunta sa ccmail, tingnan ang inbox kung may hindi pa nababasa. Magbasa. Kunwari ay bagong pasok ka lamang sa Grade One.
Pagkatapos ay kunin ang mga dapat gawing report. Titigang mabuti. Pag-aralan ang klase ng papel na ginamit. Bilangin kung ilang words ang nagamit.
Kung may tumawag sa telepono, kaagad sagutin. Huwag mong hayaang ibaba kaagad ng kausap. Kumustahin. Tanungin tungkol sa mga National Issues katulad ng tungkol sa mga jokes kay Erap o kaya ang pagkamatay ni Princess Di. Kumustahin din ang latest style ng kanyang damit pati na kung saan nagpapa-manicure at pedicure. Huwag lalagpas ng isang oras ang pakikipag-usap. Magagalit ang iyong boss.
Kung may report na tatapusin, tapusin ng eksakto sa deadline hour. Kung may ita-type, magtype ng 10 wpm.
Tunguhin ang mga file na inipon sa loob ng ilang araw. Ayusin isa-isa habang ini-imagine ang sarili
na sumasahod ng 15,000 pesos isang buwan. Huwag tatapusin. Magtira ng para sa ilang araw na gawain.
Palaging magtungo sa CR. Kunwari ay may LBM. Palagi ring bumisita sa ibang department,
makipagchikahan.
Huwag mong titingnan ang iyong relo habang ginagawa mo ang lahat ng nasa itaas. Kapag ginawa mo iyon ay lalo kang maiinip. Hayaang mag-enjoy ang sarili sa iyong katamaran. Magugulat ka na lamang na "time" na pala para umuwi.
Ayusin ang lamesa na para bang napakarami ng iyong trinabaho. At bago umuwi, dumaan ng CR. Tingnan at hipuin ang mukha kung gaano kakapal. Huwag pansinin ang mga kasamahan na mula umaga ay tingin ng tingin sa iyo. Hindi naman sila ang nagpapasuweldo.